Sa labas ng lobby. Araw. Hindi ko alam kung umaga o tanghali basta maraming tao, mga blockmates, basta halos lahat ng taga-college nandoon. Palabas ako ng lobby kasama ang 3 kong kaibigan at paglabas ko, sakto nakita kita sa may bandang kanan. Kasama mo siya at parang nag-uusap kayo ng masinsinan. Pagtingin ko napatingin ka rin sa’kin. Malalim ang mga titig mo at parang nalunod ako sa mga tingin na’yon. Mga sampung segundo siguro tayong nagkatinginan, pero kahit sandali lang punum-puno ng kahulugan sa akin ang 10 segundong ‘yon. Sa mga sandaling ‘yon, parang nagflash-back lahat sa akin; yung Comm I days, nung debut, yung stay-over tayo sa bahay ng blockmate natin. Pati yung araw na nagtapat ako sa labas ng RH-301 saka nung debut nung twins. Nung Valentine’s Day sa labas ng Organic Lab. Pati nga yung tawa mong ewan pag may nagjo-joke naalala ko din. Lahat ng isang taon at mahigit ko nang kinakalimutan bumalik sa akin. Lahat ng tungkol sa’yo naalala ko bigla.
Gusto ko sanang tumagal pa ng konti ang tingin mo sa’kin pero naramdaman ko ang sarili kong yumuko at kumawala sa mga titig mo, dahil alam ko namang hindi para sa akin ‘yun. Alam ko dahil sinabi mo sa’kin na siya ang mahal mo. February 26 yun di ba? Madaling araw sa text message. Sinabi mong hindi “ako”. Nung araw na yun nagalit ako sa mundo. Masakit tanggapin na hindi ako ang lalakeng maghahatid sa’yo pauwi at ang taong hahawak sa’yo pag maglalakad tayo. Hindi na’ko pwedeng tumawa sa mga jokes mo o kiligin man lang sa mga text messages. Masakit tanggapin na hindi ako ang makakapagpaligaya sa’yo. Higit sa lahat masakit tanggapin na hindi na pwedeng ibalik ang dati. May lamat na. Masayado nang late para magsisihan o manghinayang at masyado nang komplikado. Mula noon tinanim ko na sa kukote ko na hindi para sa akin ang mga titig mo. Hindi akin. Umiiwas na ko sa mga titig mo dahil mararamdaman ko nanaman yung lungkot saka yung sakit na pinipilit kong hindi na maramdaman. Pagtapos ng sampung segundong yun nagpatuloy na ako sa paglalakad dahil nangako ako sa sarili ko, na magpapatuloy ang lahat, kahit anong mangyari, kahit wala ka at walang “tayo”.
Palabas na kami ng gate ng may biglang tumawag sa pangalan ko, at parang boses mo ata yun. Imposible. Baka nag-iilusyon nanaman ako o gutom lang o kaya ibang tao ang tinatawag, kaya nagpatuloy na ako sa paglalakad. Pero alam kong boses mo ‘yun at tinawag mo ulit ang pangalan ko. Nagulat ako at pinilit kong lingunin kung sino man yung tumawag sa’kin with the hopes na sana ikaw nga ‘yun. Ikaw nga!
Parang ang layo mo. Paglingon ko nakita kitang nakatayo sa gitna ng pagkarami-raming tao at katabi mo siya at umiiyak ka. Magsasalita na sana ako at tatanunging “bakit?’ pero bago ko pa man maibuka ang bibig ko tumakbo ka sa direksyon ko. Tumatakbo ka papunta sa akin. Hindi ako nakagalaw. Kinabahan ako pero iba ang kabog ng dibdib ko, parang excited. Tapos bigla akong nainis sa’yo at nalungkot. Hindi ko maiksplika. Basta. Akala ko lalapitan mo na ko nang bigla kang tumigil sa gitna, humihingal. Nagtataka ako kung bakit mo biglang ginawa ang bagay yun at bakit ka umiiyak? Pinaiyak ka ba niya? Ine-expect mo ba na pupunusan ko ang luha mo like before at i-cocomfort ka? Pero nandyan na siya di ba? Siya na ang gumagawa nun dahil trabaho na niya yun di ba? Masyado nang komplikado.
Habang nakatayo tayo mga dalawang dipa mula sa isa’t isa finally natanong na kita at nasabing “bakit?”, hindi sa tonong galit, hindi mabilis ang pagkakasabi at hindi rin paawa ang dating. Pinilit kong huwag lagyan ng feelings ang mga katagang ‘yun dahil ayoko nang umasa. Isang taon at mahigit na kong umaasa na sana ma-realize mo din ang lahat pero natuto na kong huwag nang asamin ang mga bagay na hindi naman talaga mangyayari. Pagkasabi ko ng mga salitang ‘yun bigla kang tumakbo ka at niyakap ako. Niyakap mo ko. Nilagay mo ang ulo mo sa dibdib ko at nakakapit ang dalawa mong braso sa may balikat ko. Parang tumigil lahat ng tao at bumilis ang ikot ng mga bagay sa paligid ko. Tapos biglang tumahimik at pakiramdam ko parang tayo lang ulit ang tao sa mundo. Hinhintay kong may sabihin ka pero naisip ko na hindi mo na kinailangang magsalita. Basta nandun ka at nandun ako.
Nakatayo ako dun at hindi alam kung ano ang gagawin dahil nablanko na ang isip ko at di ko alam kung saan magsisimula kaya tinaas ko na lang ang magkabilang kamay ko sa gilid at niyakap din kita. Mas mahigpit pa sa mga yakap mo. Niyuko ko ang ulo ko sa balikat mo. Ang gaan ng pakiramdam. Ang tagal kong hinintay ‘to. Isang taon at mahigit na rin akong nagtitiis. Finally.
Sa inis ko sa ‘yo bigla kong nasabi “bakit ngayon ka lang ha? Ang tagal din kitang hinintay!!!” Pero kahit ano pa mang tindi ng galit ko sa’yo naramdaman ko na lang ang sarili kong umiiyak sa balikat mo. Bumulong ka sa’kin at sabi mo “Andito na’ko. Hindi na kita ulit iiwan.” Ang daming kong tanong at ang dami kong gustong marinig sa’yo pero naisip ko na nasabi mo na pala lahat ng kailanagan kong marinig. Sa konting salitang ‘yun naramdaman ko ulit ang kaseguriduhang hinanap ko. Kaseguraduhang isang taon at mahigit ko naring hinahanap. Nanatili tayong magkayakap. Matagal. Nakatingin na nga sa’tin lahat ng tao pero wala akong pakialam. Corny man o ewan wala akong paki. Basta nandun ka at ako. Basta nandito ka na sa tabi ko at sabi mo hindi mo na ko iiwan.
Febraury 26, 2010
NOTE: matagal na to. sobra. OK na kami ni girl. OK na din kami ni guy. naisip ko lang i-post dahil it's been 6 years since that date 2/26/04.
No comments:
Post a Comment