“Gusto ko ng matamis…”
Iyan ang pumasok sa isip ko bandang alas dose ngayong hatinggabi. Naisip ko na parang may kulang at may gusto akong gawin at matikman ngayon. Kanina pa rin naman kumakalam ang sikmura ko sa gutom. Ewan ko ba. Hindi naman ako galing sa isang physically extraneous-activity. Nakaupo lang ako sa sofa at nag-bubrowse sa internet. Kakakain ko lang naman kaninang mga alas otso ng hapunan, kahit na kung tutuusin parang tanghalian ‘yun para sa akin kasi pangalawang kain ko pa lang yun ngayong araw. Kaysa naman matulog ako ng gutom, napagdesisyunan kong lumabas at bumili ng makakain. Basta ang nasa isip ko, gusto ko ng matamis.
Nagbihis ako at nagsuot ng jacket. Ayoko kasing “exposed” ang katawan ko kapag lumalabas. Marami akong isyu sa katawan ko kasi payatot ako. As in payat, underweight at mukhang malnourished para sa 5’8” na height ko. Ewan. Alam ko naman dati pa na payat ako dahil nasa lahi na din kasi namin; payat ang tatay ko at kuya ko. Hindi naman naging malaking isyu sa akin ‘yun dati pero ngayon habang tumatanda ako isa siya sa mga pinakamalalaking insecurity ko sa buhay. Hindi ko masuot ang mga damit na gusto kong isuot dahil walang akma sa size ko. Hindi ako makapag-enjoy sa beach kasi ayokong mag topless. Kapag may gustong makipag-meet sa akin, nahihiya ako at nagbaback-out dahil baka ma-turn off lang sila sa itsura ko. Pakiramdam ko, ang dami kong namimiss sa mundo dahil sa insecurity ko sa weight ko. Ang mas nakakafrustrate pa doon, alam kong kaya ko siyang baguhin kung may pera lang ako para mag gym at bumili ng weight supplements at kung may sipag lang ako. Sipag, ayun, kulang na kulang ako nun.
Pagbaba ko ng hagdan, nakasalubong ko yung nakatira sa 2nd floor sa baba ng apartment ng kuya ko. Ngumiti naman ako at nagpasintabi para makiraan, para hindi naman nila ako mapagkamalamang snob at suplado. Suplado ba talaga ako? Sabi ng iba kong pinsan oo. Hindi ko kasi sila masyadong kinakausap at kapag may bumibisita sa amin pagkatapos ko silang batiin nagkukulong agad ako sa kwarto ko. Minsan nga hindi talaga ako nagpapakita kapag alam kong may bisita. Hindi talaga ako sanay makipag-socialize sa mga taong alam kong wala akong in common with. Ano naman ang pag-uusapan namin di ba? Makakausap ko ba sila tungkol sa gender equality at religious tolerance o kaya tungkol sa oligodynamic effect ng mga heavy metals? Iba kasi ang trip ko sa buhay, at kakaunti lang ang nakakasakay sa mga trip kong iyon. Sabi naman ng mga kaibigan ko approachable at ma-PR naman daw ako. Kaya hindi ko na tuloy alam ang paniniwalaan ko tungkol sa social skills ko. Tingin ko naman mabait akong tao, baka mahiyain lang talaga.
Paglabas ko ng gate napansin kong umaambon pa din. Basa at maputik ang aspaltong daan kasi umuulan buong araw pero mas OK na sa akin ang ulan kumpara sa sobrang init na panahon. May something special sa rainy at gloomy weather na gustung-gusto ko talaga. Ang sarap kasing magmuni-muni sa ulan. Oo ako na talaga ang emotero.
Dahil dis oras na ng hating gabi wala ng malapit na tindahang bukas na pwedeng mapagbilan ng masarap at matamis na pagkain. Bigla kong naisip na may 7-11 naman sa bungad ng street namin. Oo nga pala 7-11! Ito ang tanda ng sibilisasyon. Kaya gustung-gusto ko talaga mag-stay over dito kila kuya dahil pakiramdam ko nasa sentro ako ng syudad dahil maraming pwedeng gawin at kainan kumpara sa tirahan namin sa North Caloocan; sa village namin na kung saan kapag hatinggabi puro baka, kalabaw at puta na lang ang mga nasa daanan. Ay teka, kahit nga pala may 7-11 mahaba-habang lakaran pa din iyon dahil wala ng tricycle ngayon. Pero okay lang ‘yun kumpara mo naman kung saan talaga ako nakatira na kung saan trenta minutos ka pa sasakay sa jeep para lang makapunta sa pinakamalapit na 7-11. Saka ok lang din maglakad, malay natin may makasalubong tayong cute at malay natin may mangyaring maganda. Hehehe…wishful thinking…
Sinuot ko ang hood ng jacket ko at naglakad. Wala pang 1 minuto may nakikita na ako sa malayo na isang lalaking papunta sa direksiyon ko. Nakapayong siyang dilaw at nakaporma na parang galing gimikan, mapostura ika nga. Tiningnan ko siya, aba…pwede! Tiningnan niya rin ako. Shit! Pagkatitig niya sa akin, yumuko na lang ako at ngumiti. Tae. Hindi talaga ako sanay makipagtitigan sa isang tao. Nakaka-conscious kasi. Alam ko naman na I’m not much to look at kaya hindi ako lumalaban ng titigan. Ayun, tuluyan na siyang nakalampas at lumakad ng palayo. Sayang! If I have enough self-confidence para makipagtitigan sa kanya e di sana nalaman ko kung game ba siya o hindi. Malay natin pwede pa lang siyang tikman. How I wish. Hay nako talaga.
Hala sige lakad pa. Kahit maputik ang daan at umaambon ambon pa okay lang sa akin. Matiisin naman akong tao. Ito ang isa sa mga traits na gusto ko sa sarili ko. Basta ang alam ko gusto ko ng matamis. Alam ko na. Gusto ko ng ice cream! Ice cream on a cold rainy midnight. Oo akong ako na talaga ang emotero ngayong gabi. Buntung-hininga. Uneventful na ang paglakad ko papuntang 7-11, wala na kasi akong ibang nakita at nangyaring interesting. Sayang talaga si ‘”cute umbrella guy”. Bwiset na self-confidence yan, kailan ka ba tataas?
Mga sampung minuto pa, natanaw ko na ang mga ilaw na hinahanap ko. Nakita ko na rin ang pinaghalong green at red sign ng lugar na tatapos sa hindi maipaliwanag kong craving ngayong gabi. Pagpasok ko wala masyadong tao. Wala din yung cute na sales attendant na lagi ko nakikita sa umaga. Bwiset. Napakanormal naman ng gabi ko. Dumiretso agad ako ng beverage section. Uminom kaya ako ngayong gabi para ma-feel ko talaga ang pagka-emo? Pwede. Punyeta wala ng tanduay ice. Pwede naman akong mag-red horse kaya lang walang yelo kila kuya, wala ngang refrigerator e. Hindi ko kaya ang redhorse na straight, dahil mababa ang tolerance ko sa alcohol. Nag-aastang manginginom lang ako. Mukhang masarap din yung vodka mocha kaya lang pagtingin ko ng presyo, p 89.00. Gusto ko sana subukan kaya lang naisip kong kailangan ko nga palang magtipid. Isang buwan na akong walang trabaho dahil sa biglaang desisyon kong tumigil sa trabaho ng dahil sa prinsipyo: prinsipyo na ang pagtulong sa kapwa ay hindi dapat sinusukat. Talaga lang Al? O baka excuse mo lang yang prinsipyo eklat na yan sa katamaran na naramdaman mo noon. Ewan ko ba sa sarili ko. Minsan hindi ko na rin alam ang gusto ko talaga. Hindi ko na lang binili yung vodka kasi naisip kong walang bottle opener din sa bahay. Comfort thought ko na lang ‘yun para hindi naman ako manghinayang. Para hindi ko na lang maramdaman ang awa sa sarili ako at para hindi ko ma-realize na hindi na ako kasing yaman tulad ng dati.
Dahil gusto kong magsugar overload bumili ako ng Chips Ahoy!® at Cornetto© ice cream. At saka dahil naramdaman ako ang kagustuhang magsulat ulit ngayong gabi, bumili din ako ng ice cold coffee para magising pa ang kaluluwa ko. One last surveillance check sa place bago magbayad at ayun! May cute na nasa counter nagbabayad. Mas maliit lang siya kaysa sa akin, pero ayos ang pangangatawan. Maaliwalas ang mukha niya, maganda ang mata, balbon. Ang problema lang may lumitaw na isang brigada ng mga beki sa likod niya at sigurado akong iisa lang iniisip namin, kaya hinayaan ko na lang sila maglaway dun sa cute. Sa kanila na lang siya, as if naman papatulan sila noon. Hindi ako nanggi-gay bash. Bilang kasapi ng pederasyon ano naman ang karapatan ko di ba? Ayoko lang talaga ng competition, masyadong ma-effort. Gusto ko yung mga hindi kumplikadong sitwasyon. Tamad nga ako di ba? At pagtapos kong magbayad, natural lumabas na ako ng 7-11. Tumingala ako sa langit at naramdaman kong umaambon pa din.
Sa wakas, masasagot na ang craving ko ngayong gabi. Pagkalabas na pagkalabas ng pinto sinimulan ko nang alisin ang pabalat ng Cornetto©. Nanginginig-nginig pa. Hahaha Hindi maayos ang pagkaka-alis, barubal ang pagkaka-open…parang bata lang. Wala na akong pakialam, gutom na ako e. Alam ko na “end goal” person ako hindi “means”; hindi na importante kung paano ko maabot basta ang importante makuha ko ang gusto ko. At ang nasa isip ko lang noong mga sandaling iyon ay kumain ng ice cream para matapos na ang malungkot na gabing ito. Unang kagat ko pa lang sa ice cream gumaan na ang pakiramdam ko. Parang for the first time parang naging tama ulit ang mundo. Ang babaw no? Sabi ko nga, ako ang emotero ngayong gabi.
Naglakad na ako pauwi. Feel na feel ko ang pagkain ng ice cream habang nakahood ako sa ilalim ng ambon. Ang sarap talaga ng pakiramdam kapag nakuha mo ang isang bagay na gusto mo. E yung taong gusto ko, kalian ko ba makikita at makukuha? Bigla ko tuloy naisip, nung napagdesisyunan kong aminin na bisexual ako akala ko magiging madali na lang ang lahat para sa akin. Hindi rin pala. Alam ko na rin namang matagal na attracted din ako sa lalaki. Dalawang taon ang nakakalipas nagkaroon ako ng sexual encounter sa kapwa ko kasarian at nagustuhan ko ‘yon. Pero hindi na siya naulit. Hindi ko alam kung bakit. Hinahanap hanap ko pa rin iyon kapag nalulungkot ako. Akala ko nung nagdesisyon akong mag-come out magiging madali na ang makahanap ng karelasyon dahil umamin na ako sa sarili ko. E bakit single pa din ako hanggang ngayon? Ano ba ang kulang? Alam kong kulang ako sa self-confidence. Hindi kasi ganun kadali magkaroon noon. Bakit ba kasi kumplikado ang buhay? Kumplikado nga ba o ginagawa ko lang kumplikado? Sana maging madali na lang ang makahanap ng partner. Parang yung craving ko ngayong gabi lang. Sana pwede din ako maglakad sa putik at ambon papunta sa isang tindahan para makabili ng magmamahal sa akin. Pero alam kong hindi ganoon ang buhay.
Ayan, wala pa ako sa gate ubos na yung ice cream. Ambilis naman niyang maubos, hindi ko man lang namalayan. Nalungkot ako ulit pero at least hindi kasinlungkot gaya kanina. Lahat talaga ng mga bagay na nagpapasaya sa atin may hangganan. Gusto ko pa sanang bumalik sa 7-11 at kumain nang kumain ng ice cream hanggang umaga pero naisip kong tama na yung isa. Wala na din kasi akong perang pambili at medyo malayo na yung nalalakad ko. Na-realize ko na hindi rin naman masasagot ng isang libong Cornetto® ang mga isyu ko sa sarili ko. Tama na yung na-satisfy yung craving ko ngayong gabi.
Nakauwi na ako ng bahay at ngayon kaharap ko ulit ang computer na mga kalahting oras ang nakakaraan ay siya ding kaharap ko. Ang dami palang pwedeng maisip habang kumakain ng ice cream sa hatinggabi sa ilalim ng ambon.
Kumakalam ulit ang sikmura ko.
Pumasok nanaman sa isip ko na gusto ko ng matamis…